Thursday, October 18, 2012

"Go Green" Tree Planting Activity



February 21-22, 2010
Silangan Lazaan
Nagcarlan, Laguna

Unang Araw

Simula na ng tag-init, ng nakakapasong sikat ng araw at tag-tuyot sa ibang lugar ng bansa. Araw ng Linggo, alas dose ng tanghali nagsimula nang dumating ang mga scouts mula sa Los Banos, Calamba, Rizal, Binan, San Pedro at Calauan. Habang masisiglang naghihintay ang mga bata, ang iba pang scouts mula sa Binan ay maaga rin palang dumating at nagpasya munang maligo sa isang resort sa Brgy. Sinipian.
Alas tres ng hapon, oras sana ng pasimula ng programa, hindi pa handa ang lugar na pagdadausan kaya't kanya-kanyang grupo ang mga bata na masasayang nagpalipas pa ng ilang sandali. Biyernes lang pala nasabihan ang punong guro ng paaralan at humingi ng pahintulot gamitin ang pasilidad.

May mga tao pa sa pasilidad na gagamitin namin. May ginaganap pang pagdiriwang ng mga mag-aaral ng paaralan: post valentine's party ng mga batang miyembro ng teatro at kasalukuyang nagkakasiyahan hindi alitana ang mga scouts na naghihintay. Nakakahiya din namang putulin ang kasiyahan ng mga bata kaya't nagpasya ang ilang scouts manood na muna sa mga batang nagkakasiyahan. Pasado alas-singko na nasimulan ang programa ng mga scouts.

Sa kopya ng imbitasyon/programa, maraming mga pangalan ng pinunong nakasulat dito. Karamihan ay hindi ko nakita ang kanilang pagdalo. "Si sir Tino, darating ba?" "hindi po", sagot ni Rexon. Kilala ko ang punong guro at ang superbisor ng paaralan. HIndi ko rin sila napansin. At si meyor...."darating ba si meyor" " hindi rin po sir dahil nasa seminar pa sa Cebu".

Walang uupo na pinuno sa harapan kayat inanyayahan na lang ang ilang kakilala na samahan kami. Dalawang pulis na scouts na napadaan sa lugar ang hinilingan at nagpaunlak ng pagdamay.
Matapos ang panalangin....."ang susunod naman po ay ang ating pambansang awit na pamumunuan ni ma'm Beth Punzalan" Mukhang nagulat ang guro sa narinig: "ha, bakit ako??!!" at sa kung anong kadahilanan ay hindi siya nagpaunlak na tumugon sa kahilingan. Ilang sandali pa, sa halip, dalawang babaeng scouts ang tumulong upang pamunuan ang pag-awit ng "lupang Hinirang".

At dahil, walang pinunong magsasalita, maaga natapos ang palatuntunan. Pinasimulan ang gawain sa pamamgitan ng paglilinis ng paligid. Wala ding dala ang mga bata ng mga kagamitang kailangan kayat hindi na naintindihan kung papano maayos na naisagawa ang kautusan. Maliwanag pa ang paligid nang matapos ang gawain. Ang susunod sa programa ay ang video presentation ng proyektong "Go Green". Gaganapin ito ng ika 7:30 ng gabi pa.

Pagsapit ng programang video presentation, hindi maisaayos ang kagamitan para dito. Walang tamang appliance para maipalabas ng maayos ang video. Kailangan pang gumawa ng paraan para dito. May pinunong tumulong upang makumpuni ang problema ngunit hindi rin naisaayos ang suliraning teknical. Hindi maayos na naisakatuparan ang programa. Ang programang video presentation na wala pa palang 10 minuto ang haba. Kahit hindi kaaya-aya ang palabas, walang nagawa ang pinuno kundi paulit-ulit itong ipakita sa mga scouts. Wala si Rexon sa buong programang nasabi.

Ika-10 ng gabi ay tahimik na ang paligid ngunit walang taga paaralan o pinunong taga-lugar ang nagpasyang matulog kasama ng mga dumalong scouts. Hindi nasabihan o naanyayahan ang mga lider na taga lugar upang doon tumigil upang mangasiwa at magbantay na rin sa seguridad ng mga scouts. Lahat ng nagsitulog sa paaralan ay pawang mga taga ibang lugar kasama ang kani-kanilang mga liders na wala ding risk management plan.

Ikalawang Araw

Alas singko ng madaling araw, maaga ang mga bata na nag-ayos ng kanilang tinulugan. Ang ilan ay sa tents at ang karamihan ay sa loob ng silid ng paaralan. Alas sais ng umaga, maayos na nagtungo na sa lugar pagtataniman sa Brgy. Silangan Lazaan. Habang naglalakad, masasayang nagpakuha ng mga souvenir pictures ang mga bata at leaders.

Makalipas ng mahigit isang oras nakarating na ang lahat sa kapilya ng Brgy. Ang mga scouts ay nangagkalat sa paligid ng lugar, hindi alam kung sino ang hinihintay o ano ang susunod na gagawin. Mukhang walang kahit anong briefing kung kaya't hindi rin alam ng pinunong naka-assign sa orientation kung ano ang susunod na gagawin. Nasa huling grupo pa si Rexon upang mapagtanungan kung ano ang kailangang gawin. Nang makarating nang lahat, makalipas pa ang ilang sandali, lumakad muli ang mga scouts at huminto sa paanan ng isang bagong gawang globe telecom tower.

Sa loob ng isang pribadong bakuran, natanaw ang ilang pananim na narra at itinanong sa taong kasalukuyang naroron. Iyon daw ang gagamitin na pananim sa activity. Humigit kumulang sa 45 piraso ang mga pananim na halos natutuyo na ang mga dahon. Sinisisi ng taong naroroon ang nagdala ng mga pananim. Ayon sa kanya ay hindi naingatan ang mga pananim habang ibinababa mula sa sasakyan. Sa mga puno at dahon diumano hinawakan ang mga pananim sa halip na sa plastic na balot nito. Ilang sandali pa, dumating si Rexon at saka pa lang sinabi kung ano ang susunod na gagawin. Walang narinig na payahag mula sa kahit sinong pinuno na nasa lugar. Napansin na lamang na may kung anong papel na ipinamahagi sa mga batang scouts. Nang napagmasdan ang papel...kopya pala siya ng Calendar of Activities ng Laguna Council para sa taong 2010. Makalipas ang ilang sandali inutusan ni Rexon ang ilang scouts na kumuha ng mga pananim at tumayo sa may tabi ng tower upang kunan ng pictures para siguro sa project documentation. Matapos ng picture taking, isang konsehal sa pangalang Ben Rivera ang umuna upang ituro ang lugar pagtataniman.

Sa Lugar pagtataniman


Maayos na nakapila sa likod ni Konsehal Ben ang mga batang scouts.. Masasaya pa rin ang mga bata dala-dala ang ilang mga pananim habang bumababa sa ludlod kasunod ng konsehal. Si konsehal Ben lamang ang nakita kong may dalang itak gamit sa pagtatanim. Nang makarating sa ludlod ang unang batang scouts sa hanay, sinimulan ang paghuhukay. Si konsehal ang pumili ng lugar, siya rin ang nagtabas at naghukay. Matapos ilagay ng unang scout ang pananim, si konsehal pa rin ang nagbalik ng mga lupa sa pinagtaniman ng puno. Maya-maya pa, isang lider ang sumigaw: "sir makikisabi nga dyan kay konsehal na huwag itatanim ang mga puno sa lugar na maaaring matabas ng mga tao". Kapansin-pansin ng hindi na rin naman pinansin ni konsehal ang lider na sumisigaw at nagpatuloy na naghukay ng pangalawang hukay. Isa na namang sigaw ang narinig ng lahat: "Sir pakisabi naman na pausadin na ang hanay dahil traffic na dito sa itaas". Dahil dito, humiling na lang ako sa konsehal na kung maaari ay tabasan at gawan ng kaunting hukay ang lugar pagtataniman bilang marka at hayaan na ang mga bata ang magtanim at magtabon ng lupa sa mga pananim. Dahil karamihan ng nakita kong mga bata ay walang dalang kahit anong kagamitan sa pagtatanim, nag-alala ako kung paano kaya mahusay at maayos na maitatanim ng mga scouts ang mga puno sa tabi na ludlod..
Nagpatuloy si konsehal ng pagtatabas at pagmamarka patungong ilaya ng ludlod. Nagpasya na akong umakyat pabalik sa lugar ng tower. Kapansin-pansin ang ilang batang scouts na sa kinatatayuan nila na lamang nagtanim ng mga puno. Sa tabi ng mga patubong anthurium doon sila gumawa ng hukay at nagtanim. Sila lang ang nakita kong may dalang kagamitan. Isang pala na sa tingin ko ay hiniram sa bahay malapit sa tower. May isang bata akong nakitang may dalang isang maliit na asarol at ilan din na may dalang hunting knives. Kung wala sa kamalayan ni konsehal Ben na doon na lamang sila nagtanim ng mga puno, naisip ko na lang at umasa na sana'y maayos na mabuhay ang mga pananim para maging makabuluhan ang ginawa ng mga batang scouts.

Bago ako tuluyang makalayo, sa taniman ng anthurium may mga ilang lider paaralan na masayang nagpakuha ng souvenir pictures. Literal na souvernir pictures ang kinuha nila dahil umasta lang na nagtatanim dala ang isang maliit na punong pananim na aktong ibinaba sa lupa. Maya-maya pa ang ilan ay nagpasya nang lisanin sa lugar.

Pagkatapos ng pagtatanim, magkasabay kami ni konsehal Ben pumunta sa Brgy Hall kung saan naroroon ang iba pang pinuno ng barangay na noo'y nagluluto ng isang tulyasing sopas. Habang nakikipag kwentuhan, narinig ko mula sa Brgy gymnasium katabi ng Brgy Hall ang mga tinig na nagsasalita sa mga batang scouts. Hindi ko tiyak kung closing program na iyon. Nagpatuloy kami sa kwentuhan ng mga pinuno ng Barangay. Hindi pa luto ang sopas at hindi pa rin umaalis ang mga batang scouts sa gym ay unti-unti nang nagpapa-alam ang ibang mga lider nang kanilang pag-alis. Makalipas pa nang ilang sandali...nagpasya na rin akong lisanin ang lugar habang ang karamihan ay nasa brgy gymnasium pa rin.

No comments:

Post a Comment